[:D] "ANG KWENTONG WALANG MORAL LESSON"
Isang malakas na ungol ng lobo ang umalingawngaw sa katahimikan ng gabi. Inabot na siya ng dilim sa gitna ng pasikut-sikot at masukal na gubat.
Hindi maganda 'to, naisip niya. Noong umaga lang ng araw na iyon, isang hindi maipaliwanag na pangyayari ang sinapit niya sa kanyang paglalakbay; dalawang halimaw na doble ang laki sa kanya ang kanyang nakasagupa. Matindi ang naging laban. Gamit ang taglay niyang bilis, napatumba niya ang mga nasabing nilalang. Ngunit gaano man kaliksi wala pa ring laban ang suot niyang kalasag sa matatalim na kuko ng kalaban. Naipanalo niya ang laban, ngunit naglakad siya paalis ng duguan.

Hindi maganda 'to, ulit niya sa kanyang sarili habang tinatahak ang daan pauwi. Alam niyang marami pang mababangis na hayop at mga kakaibang nilalang sa parte ng gubat na iyon. Kung hindi siya magmamadali, ang gubat na iyon na ang magdadala sa kanya sa kanyang katapusan. Kaya't upang makauwi ng ligtas, inilabas niya ang isang rolyo ng papel na kating-kati na sa kanyang bulsa: ang mahiwagang "Scroll of Town Portal". Ang mahiwagang papel na maghahatid sa kanya patungo sa kahit saang lugar man niya ninais.
Ngunit sadyang mapait ang tadhana.
Limang mabibigat at mababangis na martilyo ang mabilis na sumapul sa kanyang tagiliran, na sinundan pa ng dalawang kidlat na mala-kidlat ding kumuryente sa kanya. Hindi na siya pinagbigyang kumurap. Sa loob ng ilang segundo, hindi lamang buhay niya ang nawala sa kanya, pati na rin ang kanyang pera, dangal at dignidad: FIRST BLOOD!!! Sigawan ang mga kalalakihan sa computer shop. Ay shit. Isang maikling mura na lamang ang nabuo sa kanyang windang na pag-iisip.
Kantsawan. Tawanan. Asaran. Lahat maingay maliban sa isang lalaking tahimik na nakatayo sa may counter. Hindi siya kasama sa DotA clash na nagaganap. Hindi niya katropa ang mga nasabing lalaki. Nagkaton lang na sa computer shop na iyon niya natripang magpaprint ng assignment. And with that said, naging saksi siya sa mga pangyayari. Isang walang kwentang blog post na naman ang nabuo sa kanyang isip.




0 comments :
Post a Comment