Tuesday, June 9, 2009

[:D] "Beachwalk Massacre - 3 sides of a story"

~SELENA~
"Inay.. inay..", tawag ng isang bata sa kanyang inahing tila hindi sya naririnig."Anong oras na po..? Bakit hindi pa umuuwi si itay?"

Walang sagot.

"Nay..!? Nagugutom na po sila Jayjay..! Nay..! Ayos lang po ba kayo..!?"

"Ayos lang ako Neimi." Sagot ng babae habang nakatitig sa maliit na butas sa pader kunsaan inaasahan niyang lilitaw ang kanyang asawa.

"Wag kang mag-alala anak, uuwi din ang papa nyo." Pinipilit niyang hindi maluha sa sakit na nararamdaman. Durog ang kaliwng binti ni Selena gawa ng isang aksidente noong umaga ding iyon. Wala ang kanyang asawa nang mangyari ang disgrasya. "Ayos lang ako.." ulit niya, "Uuwi din si papa.."

Simubangot ang bata. Hindi sya kumbinsido. "Pero nay.. Limang oras na po ang nakalipas! May pagkain pa po ba tayo..!?" Si Voughn, si Jayjay.. kanina pa po umiiyak.."

Hindi nakakibo ang babae. Alam niyang wala na syang maipanlalaman sa namimilipit na sikmura ng kanyang mga anak. Gustuhin mang niyang lumabas, wala nang lakas ang mga binting tinira sa kanya ng tadhana.

Ngumangawa na ang kanyang panganay na anak na kanina pa hindi mapalagay, "Nay! Sumagot kayo na--"

Nahinto ang bata sa gitna ng kanyang pagsasalita dahil sa sunud-sunod at malalakas na putok na nanggaling sa labas ng butas.

PAK! PAK! PAK!

Dumagundong ang paligid sa malakidlat na mga tunog. Natahimik ang buong bahay. Kahit ang mga bata natigil sa pag iyak.Pumikit na lang si Selena. Walang lilitaw na sinuman sa butas sa gabing iyon.
~PATS~
Mabagal na ang takbo ni Pats. Pagod na siya. Ilang oras narin siyang tumatakbo pero tila hindi na talaga niya mahanap ang daan pauwi.

"Selena! Neimi! Hintayin nyo ako!" Nagmumura na ang mga paa niya ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa, "Jayjay! Voughn anak! Makakauwi din si papa!"

Maagang umalis si Pats sa kanilang maliit na lungga upang maghanap ng pagkain. Pero sa kanyang pagkaligaw, nalaman niyang mas mahirap pala hanapin ang nauna kaysa sa huli.

Huminto siya sandali sa tabi ng isang malaking pader upang habulin ang kanyang hininga. Pamilyar ang pakiramdam ng paligid ngunit, dahil sa pagod, hindi na niya matanto kung saang lupalop na ng mundo siya naroon.

Nanlamig ang batok ni Pats. May nagmamasid sa kanya. Naramdaman niya iyon.

Kumaripas siya ng takbo upang makapagtago, ngunit huli na ang lahat. Nagdilim na ang paligid sa anino ni kamatayan.. at ang wika nito ang kanyang huling narinig:

"San nanggaling 'tong ipis na 'to!? Walangya--"

PAK! PAK! PAK!

Durog ang kalahati ng katawan ni Pats. Malupit ang mundo. Wala siyang laban. Sa di kalayuan, isang manipis na luha ang gumuhit sa maliit na pisngi ng isang inahing ipis kanyang inulila.
~SIYA~
Payapa ang kapaligiran. Walang ingay na maririnig maliban sa mahinang takatak ng nagsasayawang daliri sa ibabaw ng makunat na keyboard.
Type. Isip. Type. Bura. Isip ulit. Tamang tama ang katahimikan ng paligid. Ginaganahan na naman siyang magsulat. Sa mga ganitong pgkakataon, piling tao lang ang pwedeng mangistorbo.

Pero hindi ito alam ng isang nilalang na, noong mga oras na iyon, ay nakatambay sa pader sa kanyang harapan.

"San nanggaling 'tong ipis na 'to!?" wika niya. "Langya talaga oh.." Sabay hampas ng beachwalk sa insekto.

PAK! PAK! PAK!

kumislot-kislot ang kawawang ipis sa sahig. Tinapon niya ang peste sa nararapat nitong kalagyan at bumalik sa pagtatype at pag iisip na parang walang nangyari.

~WAKAS~
...moral lesson? bahala ka na mag-imagine :)




0 comments :