[:D] subliminaly sublime: "Ang pagtotono"
Teng-tong.. Teng-tong...
Wala na naman sa tono ang kanyang gitara.
Pumikit siya. Nag-isip. Humingang malalim. At saka sinumulang sikipan ang maluwang na kwerdas.
Teng-tong.. teng-tong...
Sa lahat ng mga gitaristang nakilala ko sa tana ng aking buhay, siya lang yata ang bukod tanging gitarista na hindi marunong magtono.
Teng-teng... tong..
Biniyayaan siya ng magandang simula, oo, ngunit nang mawala na sa tamang pwesto ang mga kwerdas ng kanyang pagkatao, nanatili na lamang na ganoon ang musika ng kanyang buhay. Sa ilang pagkakataon, naibabalik niya sa tama ang lahat, minsan sa tulong ng ibang tao, minsan.. swerte lang talaga.
Tong-teng.. teng-tong..
Gamit ang kung ano mang nalalaman niya tungkol sa isang kwerdas na iyon, kahit alam niyang wala, sinubukan niyang itama ang mali. Mapigtas na ang mapigtas.
Gagawin niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya.
Teng-tong.. teng-tong.. tong-teng..
Sa mga oras na iyon, sa isang maliit na kwarto sa kunsaan, isang lalaki ang mag-isang humaharap sa kanyang suliranin nang walang ibang katulong kundi ang kanyang sarili.
Sa mga oras na iyon, kanyang napagtanto, walang kwenta ang talino. Tulad sa buhay na punung-puno ng mga pagsubok, higit pa doon ang kanyang kailangan.
Nagdasal na lamang siyang hindi pa siya iniwan ng swerte.
Teng... Tong...
"At kung ginawa mo na ang lahat at hindi pa rin umayos ang lahat, asahan mong may dakilang dahilan kung bakit naging ganoon iyon" -Eros Atalia




0 comments :
Post a Comment